Suportado rin ng Department of National Defense ang panukalang mandatory military service ni Davao City Mayor at Vice Presidential Aspirant Sara Duterte – Carpio.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, maganda ang layunin ng panukala dahil madadagdagan ang reserve force ng Armed Forces of the Philippines, at maipauunawa sa publiko ang kahalagahan ng patriotismo gayundin ang pagmamalasakit sa bansa.
Gayunman, aminado ang kalihim na may kaakibat na hamon ang mandatory military service, partikular na ang budget na kakailanganin para sa pagtatayo ng mga pasilidad para sa pagsasanay na isasagawa kada taon.
Kaya sa halip na mandatory military service, sinabi ni Lorenzana na mas makatutulong kung gagawing alternatibo ang reserve officers training course o (ROTC) na siyang huhubog sa mga kabataan sa kanilang murang edad para ipagtanggol ang bansa.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)