Isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na sampahan ng kasong plunder sina dating Transportation Secretaries Mar Roxas, Emilio Joseph Abaya at dating Budget Secretary Butch Abad.
Ito ay may kaugnayan sa pagpayag ng tatlong dating opisyal na ibigay ang maintenance contract sa kumpanyang Busan Universal Rail Incorporated (BURI) na walang track record sa railways system management.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, inatasan ng Pangulo si Solicitor-General Jose Calida na aralin ang lahat ng ligal na anggulo para mapanagot ang mga opisyal ng dating administrasyon na responsable sa palpak na operasyon sa MRT.
Desidido rin anya ang gobyerno na palitan na ang mismong private owner ng MRT bilang “long term solution” sa mga problemang kinahaharap ng MRT-3.
Samantala, napag-usapan naman sa cabinet meeting ang pagbili ng spare parts ng tren bilang short term solution habang ang midterm solution ay pabalikin ang dating maintenance provider na Sumitomo.
Drew Nacino / Jopel Pelenio / RPE