Tinanggap na ni administration bet Mar Roxas ang kanyang pagkatalo sa 2016 presidential race.
Sa isinagawang press conference sa Balay, LP Headquarters sa QC ngayong hapon ay sinabi nitong kanyang kinikilala at iginagalang ang pasya ng taumbayan na piliin si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na maging susunod na pangulo ng bansa.
“Galangin at tanggapin natin ang pasya ng ating mga kababayan,” Wika ni Roxas sa harap ng kanyang mga tagasuporta at pamilya.
Sinabi ni Roxas na hiling niya ang tagumpay ni Duterte.
“Digong, I wish you success, Ang iyong tagumpay ay tagumpay ng ating bansa.” Pahayag nito.
Sa kanyang talumpati, ay buong pusong pinasalamatan rin ni Roxas ang mga sumuporta sa kanyang kampanya na hindi siya iniwan.
“Sa mga nagtiwala hindi lang sa akin pero pati na rin sa mga prinsipyo na pinaglaban natin, maraming maraming salamat,” Ani Roxas.
Maluha-luha rin ang LP bet nang sabihing: “”There are many tears in the room. Let me tell you: this is not a time for tears. For our country, we have had a peaceful successful transfer of power. It’s not about me, it’s not about anyone. It’s about how we love our country.”
Kasabay nito ay nanawagan naman si Roxas sa publiko na bantayan ang resulta ng botohan partikular ng ka-tandem niyang si Congresswoman Leni Robredo na kasalukuyang dikit ang laban kontra Senator Bongbong Marcos.
“Ngayon, hindi pa tapos ang laban ni Leni. Angat siya. Lumalaban siya. Patuloy tayong magbantay, manalig at sumuporta. Siguraduhin natin na mabibiling ng tama ang kanyang boto,” Pahayag nito.
Kasama ni Roxas ang asawang si Korina Sanchez at present rin sa meeting sina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte Jr.