Handang banggain ni OFW Family Club Partylist Representative Roy Señeres ang mga malalaking presidentiables sa nalalapit na halalan 2016.
Ito ang walang takot na pahayag ni Señeres sa programang Ratsada.
Ayon kay Señeres, hindi siya nababahala kung kwalipikasyon ang pag-uusapan dahil isa naman siyang abogado, dating ambassador at chairman ng National Labor Relations Commission.
Aniya, plataporma ang labanan ngayon at hindi popularidad.
Matagal niya na umanong minomonitor ang ilang mga kilalang presidentiables at walang binabanggit ang mga itong plano tungkol sa halos 15 milyong contractual workers sa bansa.
“Hindi naman ako diyan nababahala kung qualifications lang ang pinag-uusapan hindi naman siguro tayo nalalayo dahil isa naman tayong abogado, dating ambassador, dating chairman ng NLRC, at ang laban dito ay tungkol sa plataporma, hindi nila binabanggit kung ano ang gagawin nila dito sa mga 15 million contractuals in the country.” Ani Señeres.
Line up complete
Kumpleto na ang line up ni OFW Family Club Partylist Rep. Roy Señeres, kabilang na ang kanyang magiging bise presidente.
Sinabi ni Señeres na maraming pangalan sa kanyang listahan at kanila pang pinag-aaralan kung sino sa mga ito ang pinal na kasama sa kanyang line up.
Ayon kay Señeres, kasama sa mga pinagpipilian para maging bise presidenten niya ay isang dating kinatawan ng senior citizens at isang Christian archbishop.
“Sa aking listahan ngayon ay mga 15 na, pinag-aaralan naming mabuti kung sino ang ilalagay namin sa 12, and I can assure na ni isa dito ay walang plunder case, walang corruption case, sa vice presidentiable naman 2 ang aking ikino-consider, isang obispo at yung isa naman isang Congressman sa Senior Citizens Partylist.” Paliwanag ni Señeres.
By Mariboy Ysibido | Katrina Valle | Ratsada Balita