Isinailalim sa dalawang linggong lockdown ang opisina ng RTVM o Radio Television Malacañang matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang dalawang empleyado nito.
Sa ipinalabas na pahayag ng RTVM, sarado simula July 28 hanggang August 11 ang kanilang opisina para magbigay daan sa isasagawang decontamination, sanitation, pagpapatuloy ng contact tracing at confirmatory test.
Dagdag ng ahensiya, piling mga tauhan lamang ang pinayagang mag-cover sa mga aktibidad ng pangulo habang gagawing remote o virtual ang coverage sa mga non-presidential activities.
Nakatakda naman anilang isailalim sa swab testing ang mga empleyadong natukoy bilang primary contact ng mga nagpositibo sa COVID-19 habang naka-work from home ang iba pang mga kawani ng RTVM.
Inaasahang magbabalik ang normal na operasyon ng RTVM office sa Agosto 12.