Iginiit ng Pambansang Pulisya na hindi naman nawawala sa kanilang mga tauhan ang pagsunod sa tinatawag na “rules of engagement” sa tuwing magkakasa sila ng mga operasyon kontra iligal na droga.
Iyan ang binigyang diin ni PNP Spokesman P/Col. Bernard Banac matapos maglabas ng pahayag ang Commission on Human Rights (CHR) na dapat imbestigahan ang mga kaso ng umano’y nanlaban at nagiging collateral damage sa mga ikinakasang police operation.
Ayon kay Banac, ginagalang naman nila ang CHR at tiniyak dito na gumugulong na ang imbestigasyon sa mga pulis na sangkot sa engkuwentro at nagresulta sa pagkasawi ng tatlong taong gulang na si Myka Ulpina.
Giit ni Banac, hindi ginusto ng PNP na may mga inosente na nasasawi sa mga operasyon kaya’t sisikapin nilang may mapanagot lalo na sa mga nagkamaling pulis.
Una nang sinibak ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde ang hepe ng Rodriguez, Rizal PNP na si Lt/Col. Resty Damaso at 19 na tauhan nito dahil sa alegasyon ng kapabayaan sa pangyayari.