Nasawi ang isang senior citizen habang dalawa ang sugatan matapos masagasaan ng fire truck na rumesponde sa isang sunog sa Makati City.
Sa isang video, makikita na nakatayo ang mga tao at bumbero sa kalsada ng barangay Viejo pero ilang saglit, dumire-diretso ang fire truck hanggang sa masagasaan ang mga residente.
Ayon sa hepe ng Makati City Police na si police Colonel Edward Cutiyog, nilagyan ng kalso ang sasakyan, ngunit pababa ang kalsada. Bumaba ang driver upang tumulong sa pag-apula ng apoy nang biglang umabante ang fire truck.
Binawian ng buhay sa ospital ang senior citizen na kinilalang si Florencio Balaoing Jr. matapos pumailalim sa truck na tumulong pa sa pag-apula sa sunog habang isinugod din sa ospital sina Rita Roxas at Relin Azuelo na nagkaroon ng mga bali sa katawan.
Humarap sa awtoridad ang driver ng sasakyan na si John Polinar Orbeta ngunit tumangging magbigay ng komento. Iimbestigahan pa ng pulisya kung may problema ang fire truck.—mula sa panulat ni Maize Aliño- Dayundayon