Tiniyak ng Pilipinas ang pakikipagtulungan sa Russia kaugnay ng laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ay matapos magpahayag ng kahandaan ang Russia na magbigay ng suplay ng bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas at panukalang magsagawa ng clinical trial para rito.
Ayon sa Office of the Presidential Assistant on Foreign Affairs, handa ang Pilipinas na makatrabaho ang Russia sa plano nitong clinical trial, pagsusuplay at produksyon ng bakuna at iba pang mga hakbang sa pagtugon sa global health emergency.
Sinabi ng Malakanyang, isasagawa ito alinsunod sa mga umiiral na protocol sa pag-test at health standards na tulad ng iba pang pinasok na kahalintulad na bilateral at multilateral na pag-uusap ng Pilipinas.
Kasabay nito, nagpapasalamat anila ang Pilipinas sa alok na tulong ng Russia para tuluyang masugpo ang pandemiya na nakaapekto sa buong mundo.