Nilagdaan na ni Russian President Vladimir Putin ang isang kautusan na nagsisilbing ganti ng Russia laban sa Turkey ilang araw matapos pabagsakin ng bansang Turkey ang eroplanong pandigma ng Russia sa Syrian-Turkish border.
Batay sa decree na inilabas sa website ng Kremlin, ipagbabawal ang anumang charter flight mula Russia patungong Turkey.
Pagbabawalan din ang importation o pagpasok sa Russia ng mga kalakal mula sa Turkey.
Apektado rin ang mga Turkish company na nasa Russia at ang mga Turkish na emplyeado sa Russia.
Ayon sa ulat ng Reuters, ang inilabas na kautusan ng Russia ay upang maprotektahan ang kanilang mga mamamayan mula sa mga kriminal at iba pang iligal na aktibidad. Ito’y upang matiyak din ang national security ng Russia.
Samantala, inaaasahan naman na magkikita sa Paris France sina Putin at Turkish President Tayyip Erdogan para sa climate change summit.
Una nang sinabi ng lider ng Turkey na gagamitin niya ang pagpupulong sa France upang maayos ang kanilang ugnayan sa Russia.
By: Jonathan Andal