Pinasalamatan ng embahada ng Russia ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtulong nito para mailikas pabalik ng kanilang bansa ang mga stranded na Russian nationals.
Ayon kay Russian Ambassador Igor Khovaev, nagpapasalamat sila sa Department of National Defense at IATF Chief Implementor Secretary Carlito Galvez sa pagbibigay ng mga libreng flights at barko para sa kanilang mga mamayan.
Ito ay upang maihatid sa mga international airports ang mga Russian nationals na naipit sa iba’t-ibang lalawigan sa bansa dahil sa umiiral na enhanced community quarantine.
Sinabi ni khovaev, kanila nang nailikas ang mahigit 600 mga Russian nationals pabalik ng Russia sa pamamagitan ng kanilang mga kinuhang specials flights sa Mactan Cebu International Airport at Kalibo International Airport.
Nagpasalamat din si Khovaev sa tulong ng Department of Foreign Affairs para mabigyan ng agarang tulong medikal ang Russian national na kapitan ng isang cargo tanker ship na nakaranas ng problema sa respiratory habang nasa karagatang malapit sa Mindanao.