Ang Russia na ang kauna-unahang bansang nakapagparehistro ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) at idineklara na ang kahandaang magamit ito.
Ito ay bagamat lumutang ang mga agam-agam ng maraming scientists sa mabilis na paggamit sa naturang bakuna bago ang phase 3 trials na kadalasang tumatagal ng tatlong buwan at tini-test sa libo-libong katao na anila’y posibleng mag-back fire sa lahat.
Binigyang diin ni Russian President Vladimir Putin na dumaan sa mga kinakailangang test at napatunayang epektibo ng nasabing bakuna na may hatid na matagal na immunity mula sa COVID-19.
Ipinabatid pa ni Putin na isa sa kaniyang mga anak na babae ay tinurukan na ng nasabing bakuna at maayos na ang pakiramdam nito.
Sinabi ni Putin na ang kaniyang anak na may lagnat na 38 degrees celsius ay unang tinurukan ng nasabing bakuna na nagpababa sa 37 degrees celsius na lamang na lagnat nito kinabukasan.
Matapos ang ikalawang pagturok ng bakuna inihayag ni Putin na bahagyang tumaas ang temperatura ng kaniyang anak subalit unti-unti nang bumuti ang pakiramdam nito at nagkaroon na ng mataas na antibodies.
Tiniyak ng Russian authorities na kabilang sa priority na maturukan ng nasabing anti COVID-19 vaccine ang medical workers, guro at iba pang itinuturing na risk groups.
Nilinaw ni Putin na hindi sapilitan ang pagpapaturok ng naturang bakuna na ang bulto-bultong produksyon ay sisimulan sa susunod na buwan samantalang sa Oktubre naman inaasahang gugulong ang mass vaccination.