Maaaring nang simulan ng Russia sa susunod na taon ang produksyon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine nito na siyang isusuplay sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Carlos Sorreta, Philippine Ambassador to Russia makaraang maglabas ng pahayag ang developer ng Sputnik V, na 92% epektibo ang ginagawang bakuna nito para maprotektahan ang isang indibidwal para hindi madapuan ng nakamamatay na virus batay na rin isinagawang trial nito.
Ani Sorreta, pwede nang magsimula ang developer ng Sputnik V na gumawa ng bakuna at Enero sa susunod na taon ay nakahanda itong tanggapin ng bansa.
Mababatid na plano ng bansa na bumili ng paunang 50-milyong doses ng COVID-19 vaccine sa susunod na taon na pangunahing ibibigay sa mga mahihirap, security forces, at mga health care workers sa bansa.
Nauna rito, nitong Agosto, inihayag ng bansa na nakahanda itong makipag-ugnayan sa Russia para sa pagsasagawa ng clinical trials, at iba pang hakbang hinggil sa bakuna kontra COVID-19.