Wala pa umanong katiyakan kung kailan ang pagbisita ni Russian President Vladimir Putin sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Presidential spokesman Salvador Panelo matapos ianunsyo ni Russian Ambassador to the Philippines Igor Khohaev na tinanggap na ng kanilang Presidente ang imbitasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para bumisita sa bansa.
Ayon kay Panelo, sinabi ni Pangulong Duterte na posibleng matatagalan pa na makabisita si Putin sa bansa.
Malabo umanong mangyari pa ito ngayong taon at kung sakaling makabisita ito sa bansa sa mga susunod na panahon ito aniya ang magiging kauna-unahang pagkakataon.
Una rito, sinabi ni Khovaev sa isang speaking engagement na magiging mahalaga ang pagbisita ni Putin sa Pilipinas at kanilang ginagawa ang lahat para mapabilis ang pagtungo ng lider sa bansa.
Magugunitang nito lamang buwan nagtungo si Pangulong Duterte sa Russia at inimbitahan naman din niya si Putin na bumisita sa Pilipinas.