Posibleng mag-iba ang ruta ng taunang traslacion ng Itim na Nazareno sa darating na Enero.
Ito ang inihayag ni Manila City Mayor Isko Moreno para maiwasan aniyang dumaan ang prusisyon sa bagong gawang Jones Bridge.
Ayon kay Moreno, sinisimulan na ng pamahalaang lungsod ng Maynila, Simbahan ng Quiapo at ilan pang ahensiya ng pamahalaan ang paghahanda para sa posibilidad ng pagbabago sa ruta ng traslacion.
Nagsimula na aniya ngayong buwan ang pagpupulong ng iba’t ibang kinauukulang grupo at ahensiya para sa paghahanda sa aktibidad at paglalatag ng seguridad.
Gayunman, nilinaw ni Moreno na wala pang pinal na pasya sa usapin at patuloy pa itong tinatalakay.
Iginiit din ng alkalde na hindi ang ginawang pagpapaganda sa Jones Bridge ang dahilan sa pagkunsidera para mag-iba ng ruta ang traslacion ng Itim na Nazareno bagkus ang kaligtasan ng mga makikibahagi dito.