Dinagdagan pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bilang ng mga public utility jeepneys at UV express na maaaring bumiyahe sa Metro Manila.
Ayon sa LTFRB, nasa 30 karagdagang ruta ng jeepney at 22 ruta ng UV express ang kanilang bubuksan epektibo sa linggo, Oktubre 25.
Dahil dito, aabot sa 2,768 mga dagdag na public utility vehicles ang maaaring bumiyahe sa mga lansangan sa buong NCR na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ang pagbubukas ng mas marami pang mga ruta ng PUV ay alinsunod sa direktiba ni Transportation Secretary Arthur Tugade na ipatupad ang oplan air o operation plan-add routes, increase speed/capacity, reduce travel time.
Sinabi ng LTFRB, kinakailangang matiyak na roadworthy ang mga bibiyaheng unit ng PUV’s, may valid at existing na certificate of public convenience o application for extension of validity at nakarehistro sa personal passenger insurance policy.