Sa ayaw at sa gusto ng Pangulong Rodrigo Duterte hanggang 60 araw lamang ang martial law.
Ito ang ipinahayag ni Senate President Koko Pimentel sa panayam ni Cely Ortega – Bueno sa programang Usapang Senado sa DWIZ.
Ani Pimentel, ito ang nakasaad sa ilalim ng konstitusyon kung saan natural umano na magkaroon ng ‘time limit’ ang idineklarang martial law.
Posible lamang umano itong palawigin kung hihiling ang Pangulong Duterte ng extension.
Anya, dito na papasok ang kongreso kung papayagan nito o hindi na palawigin pa sa 60 araw ang idineklarang martial law sa Mindanao.
“Sa ilalim ng ating konstitusyon mayroong natural na time limit and that is 60 days.”
“So, sa ayaw at sa gusto ng Pangulo hanggang 60 lang po yan. Unless, humingi siya ng extension na kailangan na ngayon ang participation ng congress na papaya dapat ang kongreso sa extension.”
Iginiit naman ni Pimentel na mayroon pang 30 araw ang implementer at administrator ng martial law para gamitin sa paglinis ng mga terorista sa Marawi.
Samantala, maaari na umanong imungkahi ng implementer at administrator ng martial law sa Pangulo na tanggalin na ito kung sa tingin nila ay naabot na ang layunin ng pagde-deklara ng martial law sa rehiyon, dahil ang Pangulo lamang umano ang may kapangyarihan para i-lift ito.
“Yung mga martial law implementor natin, yung martial law administrator natin kung whatever yung plans nila to quell the rebellion para po supuin at tapusin yung rebelyon meron pa po silang around 30 days sa original 60 days declaration nila.”
“So, ngayon kung feeling nila we have achieved our purpose pwede na nilang i-recommend kay Presidente then formally i-lift na ng Presidente ang proclamation ng martial law.”
Krimen, korapsyon at iligal na droga hindi sakop ng martial law
Hindi na kailangan magdeklara ng martial law sa paglaban sa krimen, korapsyon at iligal na droga.
Ito ang ipinarating ni Senate President Koko Pimentel sa DWIZ.
Anya, hindi ito sakop sa paged-deklara ng martial law dahil wala naman umanong nakikita ditong rebelyon ang Pangulo.
Giit ni Pimentel, tuloy lang anya ang all-out war ng pamahalaan kontra sa mga ito.
“Pagdating doon sa shabu, hindi na yan subject ng martial law kasi ang martial law is invasion or rebellion with public safety requires it sa mata ng Pangulo.”
“So, tuloy lang ang all-out war natin against crime, drugs and corruption, tuloy lang po yan, hindi na po kailangan mag-delare ng martial law dyan.”
By Race Perez | Usapang Senado Program (Interview)
Photo Credit: Senator Koko Pimentel Facebook Page