Tataas pa ang survey rating ni Senador Grace Poe pagkatapos ng gagawin nitong deklarasyon ng kanyang Presidential bid mamayang gabi.
Ito ang pananaw ng political analyst na si Professor Ramon Casiple.
Ayon kay Casiple, marami pa ang nagdadalawang isip ngayon dahil hindi pa nagdedeklara ang senadora. May bump aniya o pagtaas ng bahagya sa rating ang isang kandidato oras na magdeklara ito.
“Usually ang pagdedeklara may tinatawag na bump ‘yan tumataas a little bit, kasi ‘yung mga nagdadalawang-isip pa before kasi hindi nga siya nagsasalita ay pipirmi ‘yan.” Ani Casiple.
Gayunman, hindi aniya dapat balewalain ang mga makakatapat ni Poe na sila Vice President Jejomar Binay at LP standard bearer Mar Roxas dahil parehong may mga mass based votes ang mga ito.
Si Binay aniya na sa kabila ng mga kaso at kontrobersyang kinakaharap ngayon ay nananatiling malakas pa rin sa mga survey samantalang si Roxas naman ang may hawak ng equity of the incumbent.
“Si VP Binay marami na siyang kaso, akala mo eh babagsak nang todo pero hindi mataas pa din in fact sa ilang survey siya pa din ang leading, si Mar Roxas naman sabihin na nating mababa sa ratings pero siya naman ang kandidato ng administrasyon so ‘yung equity of incumbent na sinasabi ay nasa kanya.” Pahayag ni Casiple.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita