Pinag-iingat ng Department of Health ang publiko ngayong nauuso na naman ang trangkaso o flu.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, karaniwan na ang trangkaso na dulot ng influenza virus sa respiratory tract, kapag maulan at malamig ang panahon, lalo ngayong amihan season.
Halos katulad nito ang sintomas ng trangkaso sa Covid-19 gaya ng lagnat, pananakit ng ulo, sipon, ubo at namamagang lalamunan.
Maaari ring makaranas ng pananakit at panghihina ng katawan ang taong may trangkaso.
Sakaling makaramdam ng sintomas, pinayuhan ng DOH ang publiko na magsuot ng face mask, limitahan ang pakikisalamuha sa ibang tao, magpahinga at kumain nang masustansiyang pagkain.
Dapat din anyang obserbahan ang sarili, kumonsulta sa doktor sa pamamagitan ng telemedicine at magpa-test na rin kung may Covid-19 upang makatiyak.
Sa mga walang kakayahang magbayad ng RT-PCR o Antigen Test, sinabi ni Vergeire na may libreng Covid-19 test sa health facilities ang mga local government at puwede ring sagutin ng PhilHealth ang gastos.
Ngayong kaliwa’t kanan ang mga pagtitipon at pagdiriwang, inabisuhan din ng kagawaran ang publiko na maging mas maingat upang maiwasan ang hawahan, trangkaso man o Covid-19.