Sa gitna ng buhos ng mga biyaherong pumupunta sa mga probinsya ngayong Semana Santa, nagpapatuloy ang Anti-colorum operation ng LTFRB-Law Enforcement Unit sa A. Bonifacio Street sa boundary ng Quezon City.
Target ng LTFRB ang mga provincial bus na tumatangging magbaba at magsakay ng mga pasahero sa North Luzon Express Terminal (NLET) sa Bocaue, Bulacan.
Kabilang sa nasampolan ng ahensya ang isang bus ng Genesis Transport at Bataan Transit.
Dinala ang dalawang bus sa LTFRB Impounding Area sa Magalang, Pampanga.
Sa pag-iikot naman ng DWIZ, naging mabigat ang daloy ng trapiko sa bahagi ng Sergeant Rivera at A. Bonifacio sa Quezon City dakong alas-3 ng hapon at ilan sa mga sanhi nito ang mga provincial bus na umiiwas sa LTFRB.
Ganito rin ang naging sitwasyon sa bahagi ng EDSA-Balintawak, EDSA-Muñoz at bahagi ng Quezon Avenue patungong Skyway.