Patuloy sa pagpapakawala ng tubig ang Magat Dam sa Isabela at Bustos Dam sa Bulacan sa gitna ng malakas na pag-ulan upang mailabas ang sobrang tubig at mapanatili sa safe limit ang water level ng mga ito.
Dahil dito, naka-alerto na ang Isabela Disaster Risk Reduction and Management Office sa Isabela lalo’t maaaring magdulot ng pagbaha ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam na sinimulan noong linggo.
Hanggang kahapon, isang flood gate na lamang ng nabanggit na reservoir ang nakabukas habang nasa 188.19 meters ang lebel ng tubig o malapit na sa 190-meter spilling level.
Magugunitang sumampa sa isang tulay sa Alicaocao sa Cauayan City ang tubig sa matapos bahagyang umapaw ang Magat River pero sa ngayon ay nadaraanan na ito ng mga motorist.
Samantala, bukas din ang floodgates ng Bustos sa loob ng limang araw dahil aabot na ang tubig sa spilling level na 17.35 meters.
Inabisuhan na ng mga otoridad ang mga residente malapit sa Angat River na maghanda sa posibleng pag-apaw ng ilog.