Gusto mo bang mabuhay muli sa hinaharap?
Sa halagang P1.2 million hanggang P12 million, may posibilidad na umanong buhayin ang isang patay sa pamamagitan ng siyensya.
Kapag namamatay ang isang tao, kadalasan itong inililibing. Ngunit kung nais mong dayain ang iyong kamatayan, kailangan mong magpalibing hindi sa lupa, kundi sa yelo.
Ito ang cryopreservation, ang proseso ng paglalagay ng ulo o buong katawan sa loob ng malaking freezer sa pag-asang isang araw, maaaring i-revive ang tao.
Based ito sa ideya na sa hinaharap, maaaring i-extract ang DNA ng tao o hayop at gamitin ito upang lumikha ng kanilang mas batang version, o kaya naman buhayin mismo ang original body.
Upang sumailalim sa cryopreservation, aalisin ang dugo mula sa katawan at papalitan ito ng isang organ preservation solution. Tuturukan din ito ng isang solusyon na pipigil sa pagbuo ng ice crystals sa cells. Sa kalaunan, ilalagay ito sa isang tanke ng liquid nitrogen sa temperaturang -196 °C.
Sa kasalukuyan, 500 na katawan ng tao ang cryonically preserved. At mananatili lang ang mga katawan sa mga tangke hanggang sa malikha na ang teknolohiyang bubuhay muli sa kanila—kung maimbento nga ito.
Maging posible man ang pagbuhay muli sa patay o hindi, maging palatandaan sana ito sa lahat na sulitin ang buhay na mayroon tayo ngayon dahil sabi nga nila, you only live once—at least for now.