Sa halip na makatipid, mas magiging magastos para sa gobyerno kung tuluyang ipagpapaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Disyembre a – 5.
Ito ang inamin ni Comelec chairman George Garcia makaraang aprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa botong 10-2 ang mga panukalang ipagpaliban ang nasabing halalan.
Ayon kay Garcia, sa katunayan ay kailangang maglabas ng karagdagang P5-B ang pamahalaan dahil kailangang mag-resume ang voter registration kung tuluyang i-po-postpone ang eleksyon.
Sa kanyang pagharap sa Hearing sa Kamara, ipinaliwanag ng Poll body chief na magreresulta rin sa mas maraming botante at kailangan ng mas maraming election paraphernalia at workers kung i-re-reschedule ang Barangay at SK polls sa December 4, 2023.
Samantala, sumang-ayon naman ang ilang Kongresista sa pahayag ni Garcia gaya nina Quezon City Representatives Franz Pumaren at Marivic Co-Pilar na kapwa aminadong “maling akala” ang paniniwalang makatitipid sa pondo ang gobyerno kung ipagpapaliban ang halalan.