Asahan na ngayong buwan ang panibagong dagdag-singil ng Meralco.
Ito’y dahil sa mas mahal na kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na kabilang sa nag-susupply sa MERALCO matapos suspendihin ng South Premiere Power Corporation (SPPC) ang kanilang Power Supply Agreement (PSA) noong Disyembre.
Ayon kay MERALCO Vice President and Utility Economics Department head Lawrence Fernandez, bukod pa ito sa pagtatapos ng December Distribution Refund at tumaas na foreign exchange rate.
Bagaman makatutulong anya ito sa dollar-denominated portion ng generation charges, mas malaki pa rin ang epekto sa singil ng mahal na supply mula sa wesm.
Aabot sa karagdagang 670 megawatts ang hinugot ng nasabing power distributor sa wesm makaraan ang suspensyon ng fixed price PSA sa SPPC. na subsidiary ng San Miguel Corporation dahil sa Temporary Restraining Order ng Court of Appeals.
Sa kabila nito, sinelyuhan naman ng MERALCO ang emergency power supply deal sa joint venture ng Aboitiz at Ayala Group noong Disyembre 15 upang mabawasan ang epekto ng mas mataas na singil.
Gayunman, hanggang sa Enero 25 lamang ngayong taon epektibo ang Emergency PSA.