Tiniyak ng Department of Health na magiging ligtas ang pagbabalik ng face-to-face classes sa kabila ng muling pagtaas ng Covid-19 cases.
Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi naman nila papayagan ang pagbabalik ng klase kung may peligrong hatid ang paglobo na naman ng covid-19 cases sa mga kabataan.
Ayon kay Vergeire, naka-depende ang pagbabalik ng in-person classes sa alert level system.
Hangga’t nasa alert level 1 anya ang Metro Manila at iba pang lugar ay magbabalik sa paaralan ang mga estudyante subalit kung aakyat sa level 3 ay tiyak na maaantala ito.
Una nang pinalawig ng pamahalaan ang alert level 1 sa National Capital Region hanggang June 30 na pinakamababang covid-19 alert level.
Samantala, hinimok ng health official ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa virus bilang proteksyon sa oras na magbalik sa mga paaralan.