Muling nagpalabas ng pahayag ang nakakulong na si Senadora Leila de Lima ngayong ginugunita ng sambayanang Pilipino ang mga Semana Santa.
Sa kaniyang kalatas, sinabi ni De Lima na kaniya nang pinatatawad ang lahat ng mga nanira at nakasakit sa kaniya lalo na iyong mga tumestigo para idiin siya.
Kabilang sa mga pinatatawad ng Senadora ang mga taong nagsinungaling sa pagtestigo laban sa kaniya tulad ng dati niyang driver-bodyguard at lover na si Ronnie Dayan gayundin sina Jonel Sanchez at Rafael Ragos na aniya’y nagsilbing hudas sa kaniyang buhay sa panahon na siya’y inuusig.
Sinabi ng Senadora, batid niya ang pinagdaraanan ng mga nabanggit lalo’t malinaw naman na may pressure sa kanila kaya’t napilitan ang mga ito na idiin siya pabor sa administrasyon.
Sa huli, sinabi ni De Lima na ipinagpapasa-diyos na lamang niya ang lahat at hangad niya na kaawaan ng diyos ang lahat ng mga umuusig sa kaniya.
By: Jaymark Dagala / Cely Bueno