Hinihingan ni Senator Bam Aquino ng public apology si Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Ito ay kaugnay ng pahayag ng kalihim na nagdadawit kay Aquino sa kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay Aquino, nagkausap na sila ni Aguirre sa telepono noong Miyerkules ng gabi at humingi na ito ng paumanhin.
“By spreading fake news, itself. So, may backtrack ang sabi po niya again he was confused by number of reports na pumasok and he apologize, and I said, ‘Please clarify this tomorrow publicly kasi sa publiko mo rin ito inihayag, kailangan sa publiko mo rin ikorek, at pumayag naman siya”, ani Aquino.
Naniniwala si Aquino na politika ang motibo ng tangkang pagdadawit sa kanya sa Marawi Siege.
“I think very political yung motivation, I mean hindi naman po sikreto na meron po talagang, meron talagang move to really implicate the opposition senators for those who have been…for the some of the issues of the administration. Sabi ko nga, yung problema ng terorista sa ating bansa, kailangan po tayong lahat magsama-sama at magtulungan”, bahagi ng pahayag ni Senador Bam Aquino
Senador Drilon hinimok si Aguirre na ihinto na ang pag – aakusa ng walang basehan
Hinimok ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ihinto na ang pag – aakusa ng walang basehan.
Ito ay matapos tangkain ng kalihim na idawit sa Marawi Siege sina Senador Bam Aquino at Antonio Trillanes.
Ayon kay Drilon, malinaw sa record ng senado na nasa senado at dumalo sa sesyon ang dalawang senador noong Mayo 2, ang petsang sinasabi ni Aguirre na nakipagpulong ang mga ito sa mga taga-Marawi.
Ang naturang hakbang aniya ng kalihim ay ang nagiging dahilan kung bakit nasisira ang tiwala ng publiko sa justice system ng bansa.
By Krista De Dios / Katrina Valle | With Report from Cely Bueno