Nilinaw ng Malacañang na hindi kasama ang usapin sa Sabah sa mga isyung bibitbitin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagbisita sa Malaysia.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, batay sa kanyang pagkakaalam, hindi mapag-uusapan ang Sabah Claim sa pakikpagkita nina Pangulong Duterte at Malaysian Prime Minister Najib Razak.
Mga usaping bilateral at may kinalaman sa kalakalan ang inaasahang magiging sentro ng kanilang pag-uusap tulad ng ginawa ng Pangulo sa kanyang mga naging biyahe sa Brunei, Indonesia, China, at Japan.
Ang Sabah Claim ay matagal nang iginigiit sa Malaysia ng sultanate ng Sulu dahil sa kanila umano ang isla ng Sabah na inupahan lamang ng Malaysia at hindi na ibinalik sa kanila.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping