Handang sagutin ng kumpaniyang Dimple Star ang lahat ng gastusin para sa burol at pagpapalibing sa mga nasawi matapos mahulog sa bangin ang isa sa mga bus nito sa bahagi ng Sablayan, Occidental Mindoro.
Ito ang tiniyak ng kumpaniya makaraang makipag-ugnayan na ito sa lokal na pamahalaan ng Sablayan para maikasa ang isang diyalogo sa iba pang ka-anak ng mga biktima na hindi pa nila nakakausap.
Kahapon, pinayagan na ng punerarya na kunin ng pamilya ng mga nasawi ang labi ng kanilang mga ka-anak matapos magpa-abiso ang Dimple Star na babayaran na nila ang mga kinakailangang gastusin hinggil dito.
Kasunod nito, binisita ni Sablayan Mayor Ed Gadiano ang mga sugatang biktima sa San Sebastian District Hospital at iba pang pagamutan para alamin ang kalagayan, sabay pag-aabot ng tulong pinansyal sa mga ito.