Hindi nakaporma sa mga panabong ni Ka Rex Cayanong ang mga tigasing breeder at sabungero.
Ito’y matapos angkinin ni Cayanong ang solo champion sa katatapos na Battle of the Big Boys 6-Cock Super Big Event sa Manila Arena noong Lunes.
Nabatid na nagtala ng malinis na anim na puntos ang entry name ni Cayanong na “Sabong On Air” kaya’t nagkampeon ito sa event kung saan napanood lahat ng sultada sa WPC-PitMaster Live.
Pinadapa ng Sabong On Air ang mga kilalang breeder at sabungero na dito’y kasama sa mga tinalo ng mga warriors ni Cayanong ang entry na “AA0 HitCock” na pag-aari ni Gerry Ramos.
Unang kinalos ng Sabong On Air ang “Sudan Sun Liberator Power” nina Paul Torres at Aldo habang sunod ang “AA0 HitCock” at pangatlo ang “BMY-SUPERTUFF-DC Bailen”.
Samantala, kabilang sa mga naging biktima ng mga manok ni Cayanong ang “AA-DLG-JPB” nina Atong Ang at Liloy Go sa fourth fight kasunod ang “Jecca 196/Tyago 1017″ nina Joel Cuento at Christrian Almario.
Nasilo ng Sabong On Air ang pang-anim na panalo nang ratratin nito ang “Fantastic Mantis San Marcos” na combined entry nina Amben Amante at Jun Garbes.
Pahayag naman ni Cayanong, isang hard-hitting broadcast journalist, malaking bagay sa kanyang tagumpay ang ginawang paghahanda sa manok nito ng kanyang mga handlers na sina Ian Avila, Ranier Bernal at Bhem Bhem, kasama ang gaffer na si Juan Carlos Bullicer.