Nananatiling bawal pa rin ang pagdaraos ng sabong kahit nasa ilalim na ang bansa sa general community quarantine (GCQ).
Ito ang binigyang linaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos mabatid na may ilang mga lokal na pamahalaan na ang nagbigay pahintulot para rito.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, wala pang inilalabas na direktiba ang Inter-Agency Task Force (IATF) na pinapayagan na ang operasyon ng sabungan.
Kaya naman pinaalalahanan ng DILG ang mga lokal na opisyal na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang operasyon ng sabungan kahit sa mga lugar na nakapailalim na sa modified general community quarantine (MGCQ).
Magugunitang inihayag ng Malakaniyang na walang dapat ilalabas na kautusan ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan na taliwas sa mga ipinatutupad na polisiya ng IATF.