Propaganda lamang at isang malaking kalokohan ang pahayag ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP ang umano’y planong pagpatay sa Communist leader na si Jose Maria Sison.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesperson Brigadier General Restituto Padilla, gusto lamang gumawa ng kuwento ng komunistang grupo para makakuha ng simpatya sa mga anti-US group at mapag-usapan sila sa social media.
Nauna rito, sinabi ng NDFP na balak ng Central Intelligence Agency o CIA at ng AFP na patayin si Sison bago o makaraang isailalim ng Pangulo ang buong bansa sa Batas Militar.
Kapag napatay na si Joma, isusunod umano ng CIA at ng kanilang mga kaalyado sa bansa ang pagpapabagsak sa pamahalaan ni Pangulong Duterte.
Isinasangkot sa operasyong ito ang mga tauhan ng militar sa pangunguna ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año.
By Arianne Palma