Labing-pitong (17) local flour miller at 12 malalaking bakery na ang iniimbestigahan ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa kabiguang magbaba ng presyo ng tinapay kahit pa tinapyasan ang presyo ng trigo sa World Market, simula Enero hanggang Abril.
Ayon kay Trade Undersecretary Victor Dimagiba, tinitingnan na nila ang posibleng sabwatan sa pagitan ng mga flour millers at baker.
Sa ngayon ay nasa P919 hanggang P920 pesos ang kada sako ng premium na harina sa mga pamilihan subalit inihayag ni Dimagiba na dapat ay P800 hanggang P845 pesos lamang ang price range ng naturang produkto.
Ang class 1 flour ay nasa P760 hanggang P910 per bag pero naniniwala ang kagawaran na dapat ay nasa P715 hanggang P839 pesos lamang ito, habang ang class 2 ay nasa P803 hanggang P880 pesos kada sako pero sa dapat ay nasa P732 hanggang P825 pesos lamang ito.
By Drew Nacino