Tila ipinain sa mga kalaban ang mga tropa ng PNP Special Action Force o SAF na nagresulta sa madugong engkwentro at pagkasawi ng tinaguriang SAF 44.
Ito ang ginawang pagbubunyag ni Davao City Mayor at Presidential Aspirant Rodrigo Duterte kaalinsabay ng unang anibersaryo ng malagim na trahedya.
Sinabi ni Duterte, nagtataka siya kung bakit ipinadala sa Mamasapano, Maguindanao ang tropa ng SAF gayung sinanay ang mga ito para sa urban terrorism at hindi kabisado ang mga pasikut-sikot sa nasabing lugar.
Dagdag pa ni Duterte, kasama niya mismo si Pangulong Noynoy Aquino sa Zamboanga nang mangyari ang engkwentro.
Pagsisiwalat pa ni Mayor Digong, may mga tropang Amerikano rin ang nasa lugar at isang helicopter din ang naka-standby para kunin ang daliri ng international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
By Jaymark Dagala