Pinadaragdagan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Gamboa ang mga nakatalagang tauhan ng Special Action Force (SAF) sa Sulu kasunod ng kambal na pagsabog doon.
Ayon kay PNP Spokesman Police Brigadier General Bernard Banac, ipinalabas ni Gamboa ang kautusan sa SAF at Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kasunod nito, sinabi ni Banac na isang battalion o katumbas ng 288 tauhan ang ipadadala ng SAF sa Sulu.
Ito ay bilang karagdagan sa 60 SAF commandos na una nang naka-deploy sa Sulu bago pa man nangyari ang madugong pagsabog doon.
Una na ring inatasan ni Gamboa ang Philippine bomb data center at crime laboratory ng PNP na magpadala ng technical support sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente.