Inihirit ng isang grupo sa pamahalaan na suportahan ang mga manggagawang Pilipinong nangangamba sa mas mataas na taripang ipinapataw ng Estados Unidos sa ilang produktong inaangkat mula sa Pilipinas.
Nagdulot ng pangamba ang pagpataw ng dagdag-taripa sa mga trabahong nakaasa sa export, partikular sa sektor ng agrikultura, elektroniko, at manufacturing.
Binigyang-diin ni Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, ang pangangailangan para sa isang “komprehensibong safety net” para sa mga maaapektuhang manggagawa.
“Ang pagtaas ng taripa na ito ay maaaring magresulta sa malawakang kawalan ng hanapbuhay para sa libu-libong pamilyang Pilipino. Nanawagan kami sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) na agad magpatupad ng mga programang pangsuporta tulad ng pinansyal na ayuda, retraining, at job-matching services,” ani Espiritu.
Samantala, tinukoy din ng mga ekonomista ang mga sektor na maaaring higit na maapektuhan.
Ayon kay John Paolo Rivera, Senior Research Fellow ng Philippine Institute for Development Studies, “Ang sektor ng elektroniko at semiconductors, na bumubuo ng malaking bahagi ng eksport ng Pilipinas sa US, ay lubhang maapektuhan. Ang industriya ng pananamit, sapatos, at tela, na umaasa sa mga preferential trade agreements, ay maaari ring magkaroon ng problema sa kompetisyon.”
Dagdag pa niya, “Ang mga produktong pang-agrikultura tulad ng langis ng niyog, prutas na naproseso, at seafood ay maaaring makaranas ng pagbagsak ng demand dahil sa pagiging sensitibo ng presyo sa merkado ng US.”
Hinimok din ng Trabaho Partylist, bilang 106 sa balota, ang pamahalaan na paigtingin ang diplomatikong hakbang upang maresolba ang isyu sa kalakalan sa lalong madaling panahon.
“Habang wala pang solusyon, kailangang tiyakin nating hindi mabibigatan ang mga manggagawang Pilipino dahil sa tensyong ito,” pagtatapos ng abogadong tagapagsalita.