Naglabas na ng paalala at safety tips ang Philippine Red Cross sa gaganaping Traslacion 2024 kung saan inaasahang dadagsa ang mga deboto sa Quiapo Church at Quirino Grandstand mula Enero 7 hanggang 9.
Nagbabala naman si PRC Chairman and Ceo Richard “Dick” Gordon sa mga posibleng panganib kaugnay ng mga malalaking crowd, tulad ng stampede at ilang isyung pangkalusugan.
Ayon kay Chairman Gordon, maraming Pilipino ang haharapin ang tirik na araw sa kanilang paglahok sa Traslacion kung saan maaari silang makaranas ng dehydration, hyperthermia, hypoglycemia, at diarrhea.
Sinabi pa ng opisyal na ibinahagi nila sa kanilang social media platforms ang kanilang safety tips kung saan inilatag nila ang mga dapat gawin ng mga deboto sa nasabing aktibidad kasabay ang paghikayat sa mga lalahok na manatiling mapagbantay at unahin ang kanilang kalusugan upang maging ligtas at mapayapa ang Traslacion. - sa panulat ni Raiza Dadia