Isa sa batas na ipinanukala ni presidential front runner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong siya ay nasa Senado ay ang pagtataas ng sahod ng mga guro na mula sa salary grade 11 na maging salary grade 15, na isa rin sa kanyang adbokasiya ngayong tumatakbo siya pagka-pangulo.
Noong January 24, 2012, una niyang isinumite ngang Senate Bill No. 3106, tinawag na An Act Upgrading the Minimum Salary Grade of Public School Teachers from Salary Grade 11 to 15.
Sa kasamaang palad, hindi umusad sa first reading kaya inihain niya sa pangalawang pagkakataon ang Senate Bill No. 109 na muling naglalayon ng pagtaas ng sahod ng mga guro, subalit muli siyang nabigo na maisabatas ito.
Sa kabila ng lahat, hangad pa rin ni Marcos na mabigyan ng magandang kalidad ng buhay ang mga guro, dahil naniniwala siyang karapatan nila ang mabigyan ng mas maayos na sahod dahil sa sakripisyo nila upang maturuan at mahubog sa mabuting pag-uugali ang kanilang mga estudyante.
“We need to provide our teachers with all the necessary support because they were the ones who were molding our young students to become better, responsible and productive citizens who in turn would become the country’s future leaders,” sabi ni Marcos.
Ngayong tumatakbong presidente si Marcos ay muli niyang tinalakay ang kagustuhang taasan ang sahod ang mga guro, dagdag pa nito ay mabigyan ng libreng mga training, at scholarship maging ang mga anak nila.
Sa kanyang pahayag sa makaraang presidential debate sa SMNI, sinabi ni Marcos na isa sa gusto niyang gawin pa tungkol sa edukasyon ay mabigyan ng magandang benepisyo ang mga guro at sapat na sahod para sa kanila.
“Suportahan natin ang ating mga guro, ‘yung sapat ang kanilang sahod, at hindi late dumating ‘yung sahod nila, lahat ng benepisyo na nasa batas ay maibigay natin sa kanila sa ganon ay mawala ang kanilang aalahanin sa sarili at pamilya,” ayon sa kanyang pahayag sa SMNI presidential debate.
“Bukod pa diyan hindi lang dapat natin sila sinusuportahan financially, suportahan din natin sila sa pag-aaral, retraining, ar refresher courses para maituro nila yung pinakabago para sa mga bata.” dagdag pa niya.
Maging sa interview ng dating senador kay Atty. Trixie sinabi niya na ihahalintulad niya ang kanyang ginawa sa Ilocos Norte kung saan nagkaroon ng seed money ang mga paaralan upang makaiwas sa pagkabaon sa utang ang mga guro.
Sa kanyang mga rally ay maka-ilang beses din binanggit ni Marcos ang pagsuporta sa mga guro, pataasin ang kalidad ng buhay ng kanilang pamilya, mabigyan ng scholarship ang mga anak nito at mas maayos na educational system para sa bansa.