Dinoble ng Taguig City ang pasahod nito sa kanilang mga barangay health workers (BHWs) na patuloy sa pag-alalay sa pangangailang medikal ng kani-kanilang komunidad sa harap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa pahayag ni Jeanette Clemente, head ng Human Resource Management Office ng lungsod, mula aniya noong ika-1 ng Abril ay ginawa ng job order personnel ang mga dating volunteer BHWs.
Ayon pa kay Clemente, ang mga BHWs na dating tumatanggap ng P3,000 kada buwan ay makatatanggap na ng P7,900; habang ang mga tumatanggap ng P4,000 ay tatanggap na ng P8,500; at ang dating P5,000 ang tinatanggap kada buwan ay makakakuha na ng P9,700.
Bukod pa rito, tatanggap din ng P15,000 ‘yearly performance incentive’ ang mga BHWs sa lungsod.
Kasunod nito, kinilala ni Taguig City Mayor Lino Cayetano ang kahalagahan ng kanilang mga BHWs lalo na sa pagtugon ng atensyong medikal sa mga residente ng lungsod.
Samantala, mayroong higit 800 BHWs ang lungsod sa iba’t-ibang barangay na siya ring tumutugon sa isyung pangkalusugan ng mga indibidwal na tumatawag sa telemedicine na proyekto ng lungsod na patuloy na makapagpakonsulta sa eksperto kahit may umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).