Nagsumite na ng sinumpaang salaysay ang labing limang (15) respondents sa kaso ng pagkamatay ni Horacio ‘Atio’ Castillo III sa isinagawang preliminary investigation ng Department of Justice o DOJ kahapon.
Kabilang sa mga nagsumite ng kontra salaysay sina John Paul Solano, Ralph Trangia, Alex Hipe, Oliver Onofre, Joshua Macabali, Jason Rubinos, Jose Miguel at iba pa.
Sa salaysay ni Solano, pinagbibintangan nito ng cover up ang Manila Police District o MPD at mga magulang ni Atio dahil pinagtakpan umano ng mga ito ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Castillo.
Tinukoy ni Solano na hindi namatay si Atio dahil sa hazing kundi dahil sa cardiac arrest dulot ng sakit nito sa puso na tinatawag na HCM o hyper hypertrophic cardiomyopathy.
Sinabi pa ni Solano na batay sa kanyang pag-aaral bilang lisenyadong medical technologist, hindi maaring magresulta ng HCM ang hazing o anumang pisikal na aktibidad.
Aniya, patunay nito ay ang naging findings ng naunang medico-legal officer ng MPD na mayroong grossly enlarged na puso si Atio na 50 porsyentong mas malaki sa normal na bigat ng puso ng isang tao.
Samantala, pumalag ang mga magulang ni Atio sa nilalaman ng naging affidavit ng isa sa mga pangunahing suspek na si John Paul Solano.
Depensa ng mag-asawang Horacio II at Carmina Castillo, nasa maayos na kalusugan ang kanilang anak na si Atio dahil napakaaktibo nito at lalong walang sakit sa puso.
—-