Nangunguna pa ring sanhi ng pagkasawi sa Pilipinas noong 2022 ang ischemic na sakit sa puso.
Ayon kay Philippine Heart Association (PHA) Director at Chair for Advocacy Dr. Luigi Pierre Segundo, batay sa Philippine Statistics Authority (PSA) data ay nangunguna pa rin ang ischemic heart disease sa sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas at sa buong mundo at hindi ang COVID-19.
Ganito rin ang nakita ng grupo noong 2020 na unang bahagi ng COVID-19 pandemic.
Ang coronary artery disease o kilala sa tawag na ischemic heart disease ay ang kakulangan ng daloy ng oxygen sa puso na sanhi ng pagpapaliit ng coronary artery mula sa pagtitipon ng kolesterol na nagpapahirap sa pagdaloy ng dugo, partikular na ang oxygen.
Sintomas ng nasabing sakit ang angina na tawag sa sakit sa dibdib na inaakala ng mga doctor dahil sa coronary heart disease.
Noong 2003, hindi bababa sa 5.2 milyong Pilipino ang mayroong angina habang 12.4 milyon noong 2013.
Pinayuhan naman ng grupo ang mga nakaranas ng angina na kumunsulta sa kanilang cardiologist para sa tamang gamot.