Muling nilinaw ng Civil Service Commission (CSC) na saklaw ng expanded maternity leave law maging ang mga babaeng empleyadong may isang araw pa lamang nagtatrabaho sa gobyerno.
Paliwanag ni CSC Commissioner Aileen Lizada, dati ay kailangang nakadalawang taon muna serbisyo ang isang benepisyaryo ngunit nabago aniya ito bunsod ng inilabas na resolusyon ng ahensya para makasunod sa Republic Act 11210 o ang 105-Day Expanded Maternity Leave law.
Batay sa nilagdaang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, bibigyan ng 105-day full pay maternity leave ang mga babaeng nanganak ng normal delivery o caesarian section habang 60-day full pay para sa ibang kaso tulad ng miscarriage o emergency termination.
Kasabay nito, nanawagan sa publiko si Lizada na bisitahin ang website ng CSC para sa karagdagang impormasyon ukol sa nasabing batas.