Kinumpiska ng mga otoridad ang sako-sakong “hot meat” o mga karneng mula sa hindi otorisadong katayan sa San Quintin, Abra.
Ayon sa National Meat Inspection Service (NMIS) Cordillera, pag-aari umano ang karne ng isang 43-anyos na negosyante mula sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan.
Tumambad sa mga pulis ang anim (6) na sako ng atay ng baboy nang kanila itong harangin sa barangay Tangadan, San Quintin.
Sinasabing walang kaukulang papeles ang ibiniyaheng mga karne na nanggaling sa San Fernando, La Union at ibabagsak sana sa bayan ng Bangued.
Matatandaang naglabas ng ordinansa ang Abra kung saan ipinagbabawal nito ang pagpasok ng karneng baboy mula sa ibang lugar dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).