Nagpasailalim din sa kustodiya ng Simbahang Katolika partikular ng Diocese of Caloocan ang magpinsang menor de edad na saksi sa pagpatay ng mga pulis sa labimpitong gulang na si Kian Loyd delos Santos.
Ang desisyon ay napagkasunduan matapos ang ilang oras na pagtatalo ng Public Attorney’s Office, Volunteers Against Crime and Corruption at PNP-Criminal Investigation and Detection group kung kanino mapupunta ang kustodiya ng mga saksi.
Dakong alas dose y medya ng hapon nang dumating ang PNP-CIDG sa San Roque Cathedral sa Caloocan City kasama ang ama ng isa sa mga menor de edad at Volunteers Against Crime and Corruption.
Sa San Roque Cathedral sana isasagawa ang pag-turnover sa dalawa pero nagdalawang isip ang ama ng isa sa mga saksi hanggang dumating si CHR chairman Chito Gascon upang pahupain ang komosyon.
Bandang huli nagpasya ang ama ng labingtatlong gulang na saksi na lumiham kay Caloocan bishop Pablo Virgilio David upang hilingin ang proteksyon ng Simbahang Katolika habang pinapirma ng obispo ang ama bilang patunay na itine-turn-over nito ang kanyang mga anak sa simbahan.
Pasado ala syete kagabi nang ihatid naman ng mga madre ang mga batang saksi sa katedral.
Panoorin ang press conference ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David hinggil dito: https://www.facebook.com/cbcpnews/videos/1640980139288191/