Muling umapela ang Philippine National Police o PNP sa publiko na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyong ginagawa ng Criminal Investigation and Detection Group at ng National Bureau of Investigation o NBI.
Ito’y kaugnay sa pagkamatay ng binatilyong si Edwin Arnigo matapos mabaril ng rumespondeng Pulis kasabay ng operasyon kontra tupada sa Valenzuela City kamakailan.
Ginawa ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar matapos magpost sa kaniyang social media si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian hinggil sa isa pang testigong kanilang nakumbinsing magsalita na nagsabing aksidente ang nangyaring pagbaril kay Arnigo.
Ayon sa PNP Chief, tumugma naman ito sa salaysay ng isa pang testigo sa insidente na personal lumapit sa kaniya nuong Martes.
Kaya naman nagdesisyon siyang ipasa agad sa NBI ang nasabing testigo kaya’t ipinauubaya na niya rito ang anumang magiging kahihinatnan ng imbestigasyon.