Umapela na ang ekonomistang si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na magka-isa at magkasundo para sa isang polisiya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Partikular na nanawagan si Salceda kina Agriculture Secretary Manny Piñol, Cabinet Secretary at National Food Authority Council Head Leoncio Evasco at NFA Administrator Jason Aquino maging sa mga economic manager.
Ayon sa kongresista, tungkulin ng estado na pakainin ang mga mamamayan at isa sa mga istratehiya ay pababain ang presyo ng pagkain sa pamamagitan ng pagpapababa sa production cost.
Hinimok din ni Salceda si Aquino na magbitiw sa puwesto dahil sa kanyang palpak na pangangasiwa sa rice supply at importation.
Masyado na anyang naka-aapekto sa mga mahirap ang mataas na inflation lalo’t animnapung porsyento ng budget ng mga mahirap na pamilya ay inilalaan sa pagkain habang dalawampu’t apat na porsyento sa mga mayaman.