Ipinatupad na ng gobyerno ang ban sa pag-iimport ng vape sa bansa.
Ito’y ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda kung saan inumpisahan na aniya ng Bureau of Customs ang pagbabawal ng pag-aangkat ng mga makina, equipment at pods na ginagamit sa paggawa ng vape.
Ito rin aniya ang nais mangyari ng Food and Drug Administration (FDA), National Tobacco Administration at Department of Trade and Industry-Product Standards.
Ani Salceda, ipinagbawal na ang pagi-import ng vape sa bansa dahil sa dalang panganib nito sa kalusugan lalo na sa mga kabataan at kawalan ng permit para ma-regulate ang vape.
Maliban pa rito, natuklasan din umano ng FDA na may 100 vape cartridges na nasuri ang nilagyan ng liquefied marijuana na malayang nagagamit ng mga vape users.
Gayunman, sinabi ni Salceda na hindi sapat ang pagba-ban sa vape dahil posibleng maging dahilan lang umano ito para magkaroon ng underground operation ang vaping.
Isinusulong ng mambabatas na magkaroon ng regulation, taxation at enforcement.