Kumpiyansa si Supreme Court Associate Justice Mariano del Castillo na hindi maaabuso ang idineklarang batas militar ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Ito’y ayon kay Del Castillo ay dahil sa may sapat na safeguards na itinadhana ang saligang batas nuong 1987 para mahigpit na mabantayan ang pagpapa-iral nito.
Sa unang araw ng oral arguments ng Supreme Court, tinanong ni Del Castillo ang isa sa mga petitioner na si Albay rep. Edcel Lagman kung nakarating na ito sa Marawi City para bigyang bigat ang pagtutol nito.
Ngunit sagot ni Lagman, hindi pa siya nakarating buhat nang sumiklab ang gulo ruon subalit hindi na aniya kailangan pang mapunta ruon para matukoy kung may factual basis ba ang ibinabang kautusan.
Binigyang diin pa ng mambabatas na hindi nakabatay sa mga totoong pangyayari kundi sa mga konklusyon lamang sa sitwasyon ang inilagay ng Pangulo sa kaniyang ulat sa Kongreso kaya’t hindi dapat ito gamitin bilang matibay na batayan para idamay ang buong Mindanao sa batas militar.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo