Sisimulan na ng Philippine Red Cross (PRC), bukas, ang paggamit ng saliva o laway para sa testing o pagsusuri sa COVID-19.
Ito ay makaraang aprubahan na ng Department of Health ang saliva COVID-19 tests na mas mura at “less invasive”.
Ayon kay PRC Biomolecular Laboratories Head Dr. Paulyn Ubial, unang magiging available ang saliva COVID-19 test sa kanilang laboratoryo sa Mandaluyong at Port Area Manila.
Inaasahan namang maisasagawa na rin ito sa lahat ng kanilang molecular laboratories sa buong Pilipinas simula Pebrero 5.
Una nang sinabi ng PRC na maaari nang malaman ang resulta ng naturang paraan ng testing matapos ang tatlong oras.
Nagkakahalaga lamang din ito ng P2,000 na mas mura kumpara sa RT-PCR test.