Kasado na ang sama-samang panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte, mula Luzon, Visayas at Mindanao para hilinging magdeklara na ito ng revolutionary government.
Ayon kay Department of Interior and Local Government o DILG Assistant Secretary Epimaco Densing sa panayam ng DWIZ, dalawampung malalaking organisasyon na ang sumulat sa Pangulo at sinimulan na rin ang pangangalap ng milyon-milyong pirma para sa revolutionary government.
Maliban dito, sinabi ni Densing na nag-iikot rin sila sa iba’t ibang panig ng bansa para ipaliwanag ang bentahe ng revolutionary government bilang paghahanda sa federalismo.
“We’re talking about millions here, several 3-5 millions simultaneously asking the President to proclaim a revolutionary government, ongoing po yung sa baba, nakikipag-usap kami sa mga bara-barangay para ipaliwanag sa kanila ang rev-gov, at ang advantage sa ating bayan, na ito’y transition lamang sa isang tamang gobyerno ng pederalismo, may nagkakalap ng pirma, ang pinag-uusapan yata ay kung kailan itong onetime big time eh.” Ani Densing
Hindi man diretsong sinabi, ipinahiwatig ni Densing na ang revolutionary government ang pinakamabilis na paraan tungo sa federalismo.
Sa ilalim aniya ng rev-gov, malulusaw na ang Kongreso at masususpindi ang kasalukuyang konstitusyon.
Ayon kay Densing, mabagal ang pag-usad ng pagpapalit ng sistema ng pamahalaan dahil sa may mga humaharang dito sa Kongreso maliban pa sa halos lahat ng nakatalaga sa mga constitutional commissions tulad ng Ombudsman, Civil Service Commission, Commission on Human Rights, Commission on Audit at maging sa Korte Suprema ay pawang nakakiling sa oposisyon.
“This is just temporary, transition lang ito sa isang porma ng gobyerno na gusto natin, so ang panawagan natin a revolutionary government in transition to a federal form of government, ngayon gusto nating mag-shift to a federal form of government sa pamamagitan ng pag-aamyenda sa ating konstitusyon, ganundin po dine-delay, at ang mahirap pa nito ang gusto pang magbalangkas ng ating konstitusyon yung ating mga mambabatas, obviously magiging political interest, at ang pinakamabigat po na nakita ko lahat ng constitutional commission na dapat ay independiente ang mga nakaupo dito, lahat ng naghe-head dito mga galing sa oposisyon, parang sinadya ito eh.” Dagdag ni Densing
Aminado si Densing na madaling maabuso ang revolutionary government.
Gayunman, malabo aniyang mangyari ito sa pamumuno ni Pangulong Duterte.
“Napakalaking powers ang binibigay natin sa Pangulo kasi mawawala, madi-dissolve ang Kongreso eh, itong ating Presidente, executive na siya, siya pa ang legislative, siya rin ang taga-gawa ng batas, so importante ang taong bayan may tiwala sa Pangulo, o sa taong pagbibigyan nitong revolutionary powers, kaya importane doon people should trust the President more than a hundred percent dahil ipinagkakatiwala natin sa kanya ang napakalakas na kapangyarihan para baguhin ang ating bayan.” Pahayag ni Densing
(Ratsada Balita Interview)