Nanawagan si Northern Samar second congressional district representative Cong. Jose ‘Jun’ Ong Jr. sa mga Samarnons na huwag matakot ipahayag ang kanilang pagsuporta para sa BBM-Sara UniTeam, lalo na kay presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ipinaliwanag ni Ong na hindi kasalanan na suportahan si Marcos at hindi dapat sila matakot at ilihim ang kanilang pagsuporta.
“’Wag niyong itago na sinusuportahan ninyo si BBM, ‘wag kayong matakot na ipakita ito. Dapat maging proud kayo. It is not a sin to support BBM,” sabi ni Ong sa harap ng mga taga-suportang hindi ininda ang ulan sa naganap na rally ng UniTeam sa Catarman, Samar.
“Suportahan natin ng husto sina BBM para sigurado ang panalo nila dito sa Samar at sigurado ang panalo nila sa buong Pilipinas,” dagdag pa niya.
Kahit maputik dahil na rin sa sunod-sunod na pag-ulan, dinagsa pa din ng mga taga-suporta ng UniTeam ang malaking field sa harap ng University of Eastern Philippines Grandstand suot-suot ang kanilang pula at berdeng T-shirts.
Masaya silang sumasayaw at kumakanta habang pinapatugtog ang Bagong Lipunan at iba pang UniTeam jingle habang hinihintay si BBM.
Itinaas din ng mga taga-suporta ang kanilang mga tarpaulin na may nakasulat na “Pula ang boto” at “Pula ang tunay na kulay ng rosa.”
Hiyawan ang lahat ng i-anunsiyo ng emcee ang pagdating ng UniTeam.
Isang 19-year- old na supporter ang nag-aabang sa harap ng stage upang maibigay ang kanyang mga likha kay Marcos.
Ayon kay Mark Kian Domiquel, na galing Lavizares, Samar, ay ilang oras din niyang ginawa ang sketches ni BBM at Sara upang maibigay sa kanilang dalawa bilang pagpapakita ng kanyang buong-pusong suporta.
“Nung nalaman ko po na pupunta si BBM dito, naisip ko po na para maipakita ko ang malakas na suporta ko sa kanila, bago pa man ang araw ng botohan, gagawa ako ng mga sketches nila. Talagang buong pamilya po namin ay solid supporters nina BBM,” sabi ni Domiquel.
“Naniniwala kami na maganda ang kanilang plataporma kaya talagang mag-i-improve ang Pilipinas ‘pag naupo sila. Kahit anong ibato nila laban kay BBM, lagi pa ring lalamang ang kanyang ‘goodness’ at kagandahan ng paglilingkod niya sa tao kaysa sa mga paninira nila,” dagdag pa niya.